Monday, January 9, 2012

Mani-mis- namis na Peanut Butter


By Lea Paz Torre

Hindi na ginagalaw sa bahay ‘yung nakatambak na peanut butter. Kahit pa imported Skippy ‘yun na iba’t-ibang flavors, walang pumapansin. Kasama ‘yun dati sa package ng kamag-anak namin na nasa States.  Wala lang talaga akong amor sa lasa. Pwede ring nagsawa na ako.

Araw-arawin ba namang pampalaman ng nanay ko sa baon kong sandwich sa school nung elementary ako. Rumaraket rin kasi siya nun na magpabenta ng peanut butter sandwich sa school canteen. Eto ‘yung version niya ng cliché na longganisa ng teachers. Pero sa proper place naman siya nagpapatinda. Hindi garapalang nire-require sa pupils niya sa classroom (defensive). Ayun, tapos ‘yung mga hindi nabenta sa canteen ‘pag hapon na, inuuwi sa bahay tapos no choice, kami ang umuubos.

Pero isa pang pet peeve ko sa palaman na ‘to ‘yung madikitan ako nung umiibabaw na mantika ‘pag binubuksan ‘yung garapon. Etong nasa picture sa baba, mild pa ‘yan e. ‘Yung ginagawa ng nanay ko, pag binuksan mo, pwedeng-pwedeng pag-swimingan ng insekto, lagpas-insekto ‘yung lalim ng mantika. Sabi naman niya, normal daw talaga ‘yun. Mas mamantika, mas fresh at healthy raw ang peanut butter. Narinig ko na rin ‘yun sa foodies. Kebs.


Pero na-interes ako nung gawan ko ng storya ‘yung Peanut Butter Co., isang resto sa Katipunan. Thematic. Puro may peanut butter ‘yung mga dish. Ok lang na thematic pero nung isipin ko na puro may peanut butter parang naumay na agad ako. Pero sige go na rin, tumikim-tikim na rin ako sa mga na-shoot kong pagkain. Actually, kumain talaga ko after ng shoot. Surprisingly, napa-wow ako. Siryoso.

Etong barbecue chicken, panalo. Imbes na gravy, ginawang sauce ‘yung peanut butter. Mapapa-kanin ka kasi maanghang ‘yung chicken, gawa ng chili-flavored peanut butter.


 
Bet ko rin ‘yung spaghetti nila. Sun-dried tomato peanut-butter ‘yung nilagay. Peanut butter ‘yung pampa-creamy sa halip na cheese. Nakakatuwa naman. Papatok siguro sa mga bata kasi manamis-namis.

‘Yung Elvis the King Sandwich, pinalamanan ng maninipis na hiwa ng saging na lakatan. Malutong-lutong ‘yung kasamang bacon na pinahiran ulit ng peanut butter.

Eto naman ‘yung Peanut Burger Sandwich nila. “Beef patty topped with tomatoes, lettuce in a burger bun, spooned with PBCo. sesame peanut butter and generously topped with peanut cucumber mayo,” ang haba ng description sa menu. Masarap din. Nilantakan ng mga kasama ko. Malaki kasi kaya kahit share-share, pwede na.


Hindi ko natikman ‘tong salad na ‘to pero mukha siyang masarap. May umorder lang nito na customer, kinunan ko lang ng shot nung nasa kitchen kami bago i-serve ni Kuya waiter. ‘Yung dressing naman niyan ang may halong peanut butter.


 
Eto last na, pati panulak nila loaded pa rin ng peanut butter. Na-enjoy ko ‘tong Banana milkshake na may dark choco peanut butter. Hindi na ako nag-share. Pero nasobrahan ata pag-inom ko, ambilis ng karma. Hindi maganda ang rehistro sa tiyan ko.


 
Magfi-feeling food reviewer muna ‘ko. Ok naman siya, natuwa ako sa mga kinain ko. Ang cute pa ng interiors. Wallpaper pa lang o, kid-friendly na.



Nutty-Gritty

Pero sa totoo lang, matagal na rin palang fad ang peanut butter dito. ‘Yung isang bakeshop nga na napuntahan ko (Cupcakes by Sonja), nag-iinvest pa talaga sa peanut butter. Eto raw kasi ‘yung best-selling flavor. Isama pa ‘yung pagkamahilig natin sa matatamis, sweet tooth, sabi nga nila.

Nakaka-tempt nga ‘pag nakita mo pa lang ‘yung colorful cupcakes. Pero hindi rin pala kaya ng sweet tolerance ko. Nag-he-hello si tonsillitis kapag pinatulan ko maski icing lang. Marami-raming baso ng tubig katapat nun pag nagkataon. Kapag napasama pa, eto na si lagnat. Oa pero totoo. Kaya hanggang tikim-tikim na lang talaga.


 
Napansin ko rin na ‘yung mga batang pumapasok dun sa bakeshop sa Taguig, ‘yung peanut-butter flavored cupcakes ang pinapabili nila sa parents nila. Siguro bukod dun sa combination ng sweet and nutty flavor ng peanut butter, nakakaattract nga rin ‘yung kulay at presentation.

Mukhang magkaka-amor na ko sa peanut butter nito. Siguro nga naging sarado lang ‘yung isip ko sa napakaraming possibilities ng peanut butter.

Masubukan na nga ‘yung mga nakatambak na peanut butter sa bahay. Matagal-tagal na rin akong hindi nakatikim nun. Kahit hindi ko na muna i-try isama sa mga nakaka-intimidate na recipe. Solb na maski pampalaman lang muna sa mainit na toasted pandesal na may kapartner na kape sa umaga. Ok na rin sa 'kin  madikitan ng sebo ng peanut butter kesa naman matalsikan ng kumukulong mantika.

No comments:

Post a Comment